1Mahal kita, O Yahweh, ang aking lakas. Si Yahweh ang aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagdadala sa akin sa kaligtasan; siya ang aking Diyos, ang aking bato; sa kaniya ako kumukubli. Siya ang aking kalasag, ang tambuli ng aking kaligtasan, at ang aking muog.
2Mananawagan ako kay Yahweh na siyang karapat-dapat na purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway.
3Nakapalibot sa akin ang mga lubid ng kamatayan, at inanod ako ng rumaragasang tubig ng kawalan ng halaga.
4Nakapaligid sa akin ang mga lubid ng Sheol; ang patibong ng kamatayan ay binitag ako.
5Sa aking pagkabalisa, tumawag ako kay Yahweh, tumawag ako para humingi ng tulong sa aking Diyos. Pinakinggan niya ang tinig ko mula sa kaniyang templo; ang aking panawagan ng tulong ay nakarating sa kaniyang presensiya; nakarating ito sa kaniyang tainga.
6Kaya nayugyog at nayanig ang lupa; maging ang mga pundasyon ng mga bundok, nayanig at nayugyog dahil nagalit ang Diyos.
7Umangat ang usok na lumabas mula sa kaniyang ilong, at naglalagablab na apoy ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Nagbaga ang mga uling dahil dito.
8Binuksan niya ang kalangitan at siya ay bumaba, at makapal na kadiliman ay nasa ilalim na kaniyang paanan.
9Sumakay siya sa isang anghel at lumipad; pumagaspas siya sa mga pakpak ng hangin.
10Ginawa niyang tolda sa kaniyang paligid ang kadiliman, mabigat na mga ulap-ulan sa kalangitan.
11Mula sa kidlat sa kaniyang harapan, bumagsak ang mga yelo at nag-aapoy na uling.
12Dumagundong si Yahweh sa mga kalangitan! Ang Kataas-taasan ay sumigaw at nagpadala ng mga yelo at kidlat.
13Pinana at ikinalat niya ang kaniyang mga kaaway; pinaghiwa-hiwalay sila ng maraming kidlat.
14Pagkatapos, ang daluyan ng mga tubig ay lumitaw; ang mga pundasyon ng mundo ay nahayag sa iyong sigaw na pandigma, O Yahweh—sa pagbuga ng hininga ng iyong ilong.
15Bumaba siya mula sa itaas; hinawakan niya ako! Iniahon niya ako mula sa rumaragasang tubig.
16Sinagip niya ako mula sa aking malakas na kalaban, mula sa mga namumuhi sa akin, dahil sila ay higit na malakas kaysa sa akin.
17Sinugod nila ako sa araw ng aking pagdadalamhati pero si Yahweh ang aking tagapagtanggol!
18Pinalaya niya ako tungo sa isang malawak na lugar; iniligtas niya ako dahil siya ay nalulugod sa akin.
19Ginantimpalaan ako ni Yahweh dahil sa aking katuwiran; tinulungan niya akong bumangon dahil ang aking mga kamay ay malinis.
20Dahil pinanatili ko ang mga pamamaraan ni Yahweh at hindi tumalikod sa aking Diyos patungo sa kasamaan.
21Dahil ang lahat ng kaniyang makatuwirang mga kautusan ay nanguna sa akin; maging sa kaniyang mga alintuntunin, hindi ako tumalikod.
22Nanatili akong walang-sala sa kaniyang harapan, at lumayo ako mula sa kasalanan.
23Kaya tinulungan akong bumangon ni Yahweh dahil sa aking katuwiran, dahil ang aking mga kamay ay malinis sa kaniyang paningin.
24Sa sinumang tapat, ipakita mo na ikaw ay tapat; sa taong walang-sala, ipakita mo na ikaw ay walang-sala.
25Sa sinumang dalisay, ipakita mo na ikaw ay dalisay; pero ikaw ay tuso sa sinumang baluktot.
26Dahil nililigtas mo ang mga hinahamak, pero ibinabagsak mo ang lahat ng nagyayabang, ang mapagmataas na mga mata!
27Dahil nagbibigay ka ng liwanag sa aking ilawan; si Yahweh na aking Diyos ang nagbibigay liwanag sa aking kadiliman.
28Sa pamamagitan mo, kaya kong lampasan ang isang barikada; sa pamamagitan ng aking Diyos, kaya kong talunan ang isang pader.
29Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya.
30Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? Sino ang bato maliban sa ating Diyos?
31Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas sa akin tulad ng isang sinturon, na nagdadala sa isang matuwid na tao sa kaniyang landas.
32Pinabibilis niya ang aking mga paa na parang isang usa at inilalagay niya ako sa kabundukan!
33Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa digmaan at ang aking mga braso para matutong gumamit ng tansong pana.
34Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag.
35Gumawa ka ng isang malawak na lugar para sa aking paanan sa ilalim kaya ang aking paanan ay hindi lumihis.
36Hinabol ko ang aking mga kaaway at hinuli ko sila; hindi ako tumalikod hangga't hindi sila nawawasak.
37Hinambalos ko sila hangga't hindi na nila kayang bumangon; bumagsak sila sa ilalim ng aking paanan.
38Dahil binigyan mo ako ng lakas tulad ng sinturon para sa digmaan; inilagay mo ako sa ilalim ng mga nag-aalsa laban sa akin.
39Ibinigay mo sa akin ang batok ng aking mga kaaway; nilipol ko lahat ng namumuhi sa akin.
40Humingi sila ng tulong pero walang sumagip sa kanila; tumawag sila kay Yahweh, pero hindi niya sila pinakinggan.
41Dinurog ko sila tulad ng alikabok sa hangin; itinapon ko sila tulad ng putik sa kalsada.
42Iniligtas mo ako mula sa pagtatalo ng mga tao. Ginawa mo akong pinuno sa lahat ng bansa. Mga taong hindi ko kilala ay naglingkod sa akin.
43Sa oras na narinig nila ako, sumunod sila sa akin; ang mga dayuhan ay napilitang yumuko sa akin.
44Ang mga dayuhan ay dumating na nanginginig mula sa kanilang mga tanggulan.
45Buhay si Yahweh; nawa ang aking bato ay purihin. Nawa ang Diyos ng aking kaligtasan ay maitaas.
46Ito ang Diyos na naghihiganti para sa akin, ang nagdudulot sa mga bayan na sumailalim sa akin.
47Napalaya ako mula sa aking mga kaaway! Totoo, itinaas mo ako nang higit sa mga tumuligsa sa akin. Iniligtas mo ako mula sa mga marahas na kalalakihan.
48Kaya magpapasalamat ako sa iyo, O Yahweh, sa lahat ng bansa; aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan!
49Ang Diyos ay nagbibigay ng tagumpay sa kaniyang hari, at ipinakikita niya ang kaniyang katapatan sa tipan sa kaniyang hinirang, kay David at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman.